Wala ka nang magagawa dahil nasabi mo na. Kahit paulit-ulit mo nang pinindot yung rewind sa remote, kapag pinindot mo yung play yun pa rin ang lalabas. Nasabi mo na e.
Parang minsan gusto mo na lang mabuhay sa isang komiks. Para kung gusto mong bawiin yung sinabi mo, papuputukin mo lang yung speech balloon sa naunang panel. Pero tao kang nabubuhay na walang nakikitang speech balloon kung magsalita.
Na-type mo na. Pinindot mo yung enter. Pero dapat pala backspace yung pipindutin mo. Wala na, nabasa na niya. Ipagdasal mo na lang na na-disconnect siya nung napindot mo yung enter. Eh kaso hindi. Mabait kasi ang DSL nila ngayon.
Sana ikaw na lang yung na disconnect, para may pagkakataon ka pang basahin yung ti-nype mo. Kaso, wrong timing ang DSL niyo. Mga sampung minuto pa bago ka na disconnect. Wala na, nabasa na niya. Malabo kasi. Tatawanan mo na lang sarili mo.
Wala na. Nasa huli ang pagsisi sabi nga ng nanay mo. Pero bakit ka pa mag-aaksaya ng enerhiya pa ra magsisi. Ano bang nagagawa ang pagsisi? Wala rin pala.
Wag na. Matulog ka na lang. Buti pa sa panaginip, kaya mong magkaroon ng higanteng remote at speech balloon. Doon ka na lang.
Oo, doon na lang ako.
No comments:
Post a Comment